yelo (joncabron.com)
ito ay para sa lahat ng mga nakakulong sa isang relasyon na sa kasamaang palad ay nilipasan na ng pagmamahal. una ang lahat dapat mong malaman na kung gaano man kakipot ang pinto papasok sa isang relasyon, malaking kabaliktaran naman nun ang lawak at laki ng pinto palabas dun. ihakbang mo ang paa mo palabas at palayo hindi mo lang karapatan ‘yun para sa sarili mo, obligasyon mo rin ‘yun sa kapareha mo, ‘wag mo s’yang ikulong sa isang relasyon na alam mo naman na wala ng patutunguhan.
parang trabaho sa opisina din ang pakikipag relasyon, sandamukal na obligasyon at walang katapusang kailangang iresolba. kung hindi ka na masaya sa trabaho mo.. mag resign ka. hayaan mong palitan ng ibang taong karapat dapat ang pwesto mo. ‘wag mong hayaang malugi at magsara ang isang kumpanya ng dahil lang sa isang empleyadong nawalan na ng ganang magtrabaho. ‘wag mo ng hintayin na umabot pa sa sitwasyon na simut na simot na ‘yung pagmamahal bago pa kayo magpaalamanan, dahil delikado na ‘yun malapit na ‘yun sa end stage ng cancer. ang susunod na kukunin sa inyo nun ‘yung respeto n’yo na sa isa’t isa. pag nangyari ‘yun baka kahit gakurot na masayang ala ala wala kang baunin pag alis mo. iwasan mo ‘yun. kung kinakailangang tanggalin ang kanang mata para hindi mahawa ang isa, tiisin mo. kung kinakailangan na putulin ang kaliwa para lumusog ang kabila, gawin mo.
madalas na tinitignan natin ang isang tao sa paraang nasa harap s’ya ng timbangan o sukatan. ilang porsiyento ang masama o ilan ang bilang ng mabuti. madalas na inuuna nating bilangin ang mahabang listahan ng ayaw natin sa isang tao hanggang sa mawalan na tayo ng ganang pagtuunan ng pansin ang mabubuting katangian n’ya. doon nagkakaproblema ang lahat. siguro kung matuturuan lang natin ang sarili natin na unahing tignan muna ang kabutihan ng isang bagay bago ang kakulangan n’ya, baka sakaling manghinayang tayong itapon ang halaga nun sa atin.
alam mo kung anong susunod na pinakamasamang gawin sa isang karelasyon bukod sa pangangaliwa? ‘yung ipamukha mo sa kanya ‘yung pagiging walang halaga n’ya sa mundo mo. .. napakasaklap nun.